Sunday, April 26, 2009

Olats

Mamula-mula na ang mukha mo, mukhang may amats ka na naman. Kagagaling mo lang siguro ng inuman kasama ang mga barkada mong paniguradong may amats na rin at gumagapang na pauwi ng bahay.

Alam ko, mas malala ka pa sa mga iyon, sa mga basag-ulong utak-biya at sunog-baga na mga kaibigan mo, na walang ginawa kung hindi turuan ka ng samu’t saring kabulastugan ngunit tinutulungan ka naman sa harap ng mga katakut-takot na problema. Maganda ‘yun, pero ang mga ginagawa mo, hindi talaga maganda.

Alam kong rinding-rindi ka na at bad-trip na bad-trip na sa mga sigaw at utos ni ermat at ni erpat, sa mga sermon at take-home assignment ng mga prof na mga nagmamagaling sa buhay, sa mga utang sa kamag-aral na hindi pa nababayaran, sa pagiging busted mo ng ika-limang beses in a row at sa na-hack mong Friendster account.

Ngayon, sumusuray-suray ka na, nahihirapang bumalanse dahil sa labis-labis na alak, naghahanap ng makakapitan, at naghahanap ng makikisalo sa iyong pasanin. Maswerte kang nilalang at nandito ako, lasing lamang sa pangarap, ngunit ang tuhod naman ay matatag, hindi basta-basta bumibigay.

Habang inaalalayan kita, nakita ko ang nangingilid na luha sa mga mata mo. Akala ko matapang ka, malakas ang loob, at hindi basta-basta nagpapatalo. Ngayon, para ka nang isang lampayatot na nadapa, isang uhuging batang inagawan ng Stick-O, isang uugod-ugod na gurang na sabay inatake ng rayuma at depresyon dulot ng pakikinig ng emo na tugtugin.

Oo na, isa na akong malaking talunan, biglang sambit mo.

Napahagalpak na lang akong bigla sa mga sinabi mong yun, pero hindi na ako nagulat, dahil alam ko naman ‘yun simula’t sapul pa nang nakilala kita.

Alam mo, hindi ka lang isang malaking talunan, isa ka ring malaking hangal, magiliw kong sinabi sa ‘yo.

Hangal, dahil sa pag-aakala mong ikaw lang ang pumapasan sa nakamamatay na bigat ng daigdig, na ikaw lang ang tangi at kalunus-lunos na biktima ng iyong kunwa-kunwariang tadhana. At hangal dahil masyado ka nang nalalayo sa reyalidad.

Tinapik-tapik ko ang likod mo, at pagdaka’y ngumalngal ka na lang bigla sa gitna ng malungkot na dis-oras ng gabi.

Ayos lang yan, sabi ko sa ‘yo, ilabas mo lang lahat ng sama ng loob mo sa pag-iyak at bubuti rin naman ang lahat. Yun nga lang, mukhang matatagalan pa.

Bigla mo na lang pinilit tumahan sa abot ng iyong makakaya, at sinundan ito ng katahimikan. Bakit, anong problema? Tinanong kita.

Siguro, pag makita ako ng mga kaibigan ko nang ganito, baka bigla nila akong gulpihin.

Bakit naman?

Dahil hindi naman sila ganito tulad ko kahit mas talunan pa sila kesa sa akin. At kahit na mas patapon ang mga buhay nila kesa sa akin.

Bigla na lang akong napa-buntong-hininga, at pagkatapos ay napangiti dahil napag-tanto mo na rin sa wakas ang ganyang bagay, at mukhang nahimasmasan ka na.

Ano, tara, inom ulit tayo, anyaya ko sayo.

At bigla ka nalang bumitaw sa pagkakakapit sa akin.

No comments: